Skip to content

DEPENSA KAY PRESIDENT MARCOS

October 30, 2015

The following is a modified version and a rough translation of the four-part series In Defense of Ferdinand Marcos and the Younger Generation Which Think Favorably of Him  I posted last year.   Modifications were made but the essential post remained.


Sobrang bulabog sa ngayon ang mga puwersang  kontra-Marcos, nangangalaiti sa galit at inis.  Simula nang sabihin ni Imelda na nais sana niyang tumakbo ang kanyang anak na si Bongbong sa pagka-pangulo sa 2016, at sana ay manalo, biglang sila ay nabuhay at ngayo’y nagwawala.  Ang mga grupong maka-Marcos na dati naman kasi ay hindi masyadong napagpapansin, bigla na lamang nag-usbungan sa social media. Ang nakapagtataka, ang mga nagiging pasimuno nito ay hindi ang mga inaasahang personalidad kundi, sa lahat ba naman, ang mga kabataan.   Tapos pa nito, mukhang matindi ang paglago.

Kaya hindi nakapagtatakang ang mga datihang bantay ng pananalig ay ngayo’y nagngangalit, nananawagan sa mga debotong magsibalikan sa mga barikada at magbantay,  kasama wari ang panalanging sana ay kasihan sila ng kalangitan.  Anyare ba?!   Kung bakit  ba naman kasi, ang mga kabataan pa ang siyang nangunguna sa muling pagbabalik at pamapayagpag  ng kademonyohan ng diktador na si Marcos.  Ano ba ang nangyari sa values nila, silang itinuring pa namang mga pag-asa at kinabukasan ng Inang Bayan?  Nasisiraan na ba sila ng bait?  Paanong nangyaring kanilang basta na lamang iwaksi ang lahat nang kaalamang itinanim sa kanilang kamalayan simula pa noong sila ay matutong magbasa’t sumulat?  Ahh, mga bobong kabataan!

Ang pagkataranta ay ramdam.  Sabi, sino pa nga ba kundi ang mga Marcoses at kanilang propagandang pinopondohan ng kanilang kinurakot na yaman na siya ngayong umeengkanto sa murang kaisipan ng mga kabataan. Na para bang walang propaganda sa kanilang panig— sa tatlumpung taong sila ang dumidikta sa takbo ng kanilang kuwento!  Sa akin nga,  kailangan ba ng mga Marcoses and mag-propaganda?  May kasabihang  ang panahon ay nagpapahilom at ang pananaw nagbabago (Time heals, revises perspectives).  Kaya’t kung anupaman, ito marahil ay pagpapatotoo lamang.

Ang pagpatay kay Ninoy

Ang pagbabago ng pananaw ay maaring nagsimula unti-unti sa pagkupas ng paniniwalang si Marcos ang tunay na utak sa isa sa mga pinakamarinding krimeng nangyari sa kasaysayan ng bansa: ang pagpatay kay Ninoy Aquino. Sino pa ba ang nananatili sa paniniwalang si Marcos ang pumatay kay Ninoy?

Sa totoo, ang isang isyung tunay na nagpasiklab sa galit ng mga tao na humantong sa kanyang pagkakapatalsik sa puwesto mga tatlong taon makaraan ay ang malawakang paniniwalang si Marcos nga, gamit ang kapangyarihan bilang Pangulo, ang siyang tunay na utak sa pagpatay.   Harap-harapan ba namang pagpaslang, tanghaling tapat pa, kay Ninoy na lider ng oposisyon, may military escort pa man din, habang pababa sa eroplanong punong-puno ng pasahero, sa tarmac ng ating main international airport, habang libo-libo naman ang nasa labas na sa kanya ay nag-aantay— sinong makakagawa niyan kundi lamang isang halimaw gamit ang angking matinding kapangyarihan?

Tatlumpung taon makaraan, ang galit ay humupa na, nawala na rin ang pagbibintang sa kanya.  Anyare?

Una, magpa-hanggang ngayon, wala ni katiting mang ebidensiya ang lumutang na nagtuturong meron siyang kinalaman.  Siya nga daw ay lugmok sa matinding sakit sa mismong araw na iyon.  Ang paghihinalang siya ang mastermind ay dahil lamang sa siya ang pangunahing katunggali sa politika at wala ng iba pang may motibo.  Walang naging bunga ang mga imbestigasyon kahit pinakamaliit mang pahiwatig ng pagkasangkot.  Sa katunayan, ang pinakadesperado at katawa-tawang pagtatangkang ikabit siya sa pagpaslang ay isang imbentong teorya.  Siguro, minsan daw, nagalit ng matindi si Marcos kay Ninoy, at nasambit ang pagnanais na mamatay na lang ito,  na narinig naman ng isang sipsip na alagad at siya na mismo ang kusang-loob na nagsaplano ng pagpatay upang siya ay kagiliwan ni Marcos.  Mandin, ito ang paborito ng mga taong galit kay Marcos.

Sa paglipas ng mga taon, maraming pahiwatig ang nagsiusbong dahil sa mga nagsusulputang panibagong pruweba.   Pero iba ang itinuturo. Ang kakatwa, ang asawa at anak ng biktima, na kapwa naging Pangulo, si Cory at Noynoy, pa mismo ang tumutol sa mga panawagang muling buksan ang kaso upang matukoy nang tuluyan ang tunay na utak ng krimen.  Sabi naman ni Cory, huwag na, hindi na yan mahalaga, tutal alam ng mga tao kung sino.  Ang Pangulong PNoy naman, halos ganuon din ang naging tono.  Ngunit, saan mo man ito tingnan, mukhang may mali, mukhang may nawawala sa lugar, lalo na’t asawa at pamilya mismo ng pinagbibintangan ang nagtutulak nito.  Mangyari pa, marami ang umasang  sa pamamagitan ng kapangyarihan nila bilang pangulo, ang mga misteryo sa pagpaslang kay Ninoy ay malulutas na rin sa wakas , ngunit parang may mas malaking misteryo sa kawalan ng pursige at interes ng mismong asawa’t anak.

Samantala, ano naman kaya ang pananaw ng post ’86 generation sa akusasyong pinatay ni Marcos si Ninoy, kung kanilang pagbabatayan ngayon ang lahat nang nakalap na mga ebidensya at datos, isama na ang lahat nang magkakatunggaling opinyon tungkol dito?   Ano ang kanilang paniniwala?  Masumpungin ang opinion ng publiko.  Ang pag-aakala noong siya ang maysala ang nagpabagsak noon kay Presidente Marcos.   Ngayon naman, ang pananaw na siya ay biktima pala ng maling pagbibintang ang nagpapaangat sa kanya.  Ang kasaysayan, simula’t sapul, ay naglalaan ng malaking simpatya sa mga taong dumanas ng mali at malisyosong pagpaparatang.  Kung inosente nga si Marcos,  at mukhang inosente nga, napakalaking puntos ito sa kanyang pabor, at sa kanyang mga kaaway  matinding kasiraan.

ITUTULOY

No comments yet

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: